Inanunsyo ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na malapit nang matapos ang konstruksiyon ng bagong Ospital ng Maynila (OsMa).

“Isang kembot na lang, tapos na ang Ospital ng Maynila,” ani Domagoso nitong Linggo, Mayo 1.

Iniulat rin niya na sa ngayon ang konstruksyon ng bago at modernong ospital ay 90 percent complete na.

“Malapit na po matapos ang 10-storey, fully air-conditioned Bagong Ospital ng Maynila. As of April 22, 2022, nasa 90% complete na po ang construction,” pahayag pa niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“May helipad din po ito bilang paghahanda sa future na bibilin nating medEvac. Gusto ko pong ipakita na hindi porke't public facility, pwede na yan. Dapat kahit public facility, first class service ang ibibigay sa tao. Kung ano ang nabibigay ng private hospital kaya rin dapat ng isang public hospital,” dagdag pa ni Domagoso.

Binigyang-diin ng alkalde na kung sakaling mabibigyan ng pagkakataon ay dadalhin niya sa tarangkahan ng mga Pinoy ang parehong uri ng serbisyo ng libre sa nasabing ospital.

“The people deserve better. Pera naman nila ito kaya marapat lang na ibalik ito sa kanila sa pamamagitan ng maganda at dekalidad na serbisyo. May awa ang Diyos. Mabigyan lang tayo ng pagkakataon na makapaglingkod sa buong bansa, gagawin din natin ito sa bawat sulok ng Pilipinas,” pagtiyak pa niya.

Binanggit rin naman ng alkalde ang suporta ni Vice Mayor Honey Lacuna sa kapasidad nito bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng City Hall at Presiding Officer ng Manila City Council at instrumental sa tagumpay ng nasabing proyekto kabilang na ang iba pang matagumpay na programa sa lungsod.

Pinasalamatan rin niya ang mga a construction workers pati na ang team ni city engineer Armand Andres sa kasipagan ng mga ito upang matapos ang ospital sa mas maagang panahon.