Trending sa Twitter ang dating mamamahayag ng ABS-CBN na si Laguna 3rd District Representative Sol Aragones matapos iendorso ang kandidatura ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo noong Biyernes, Abril 29 sa people's rally na ginanap sa Sta. Rosa, Laguna.

"Nandito po ako ngayon para sa aking kaibigan, President Leni Robredo," panimula ni Aragones.

Ibinahagi ng kongresista na magkaibigan sila ni Robredo at pareho sila ng mga pinagdaanan nito.

"Sis, mahaba na ang ating pinagsamahan, malalim na ating pagkakaibigan at sa pinakamahirap na punto ng ating buhay at ng ating laban gusto kong malaman mo, gusto ko pong malaman ninyo, nandito ang iyong kaibigan hindi kita pababayaan," ani Aragones.

"Ang aking dasal sa bawat gabi sana sabay nating matawid ang laban na ito, sana sa Mayo 9 sabay nating mapagtagumpayan ang laban nating ito at sana Pilipinas, Laguna sa Mayo 9, babae naman! President Leni Robredo!" dagdag pa niya.

Tumatakbo ngayon bilang gobernador ng Laguna ang dating mamamahayag. Isa rin siya sa mga kongresista na pabor na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Naging trending topic sa Twitter si Sol Aragones na may 6,032 tweets as of writing.