MT. PROVINCE - Nauwi sa trahedya ang bakasyon ng pitong turista na aakyat sana sa Sagada nang mahulog ang kanilang sinasakyang sports utility vehicle (SUV) sa bangin sa Bontoc nitong Biyernes ng hapon.
Dead on arrival sa Bontoc General Hospital si Charity Vicente, 54, taga-Silang, Cavite dahil sa matinding pinsala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Nagpapagaling pa sa ospital ang anim na kasamahan ni Vicente na sina Hector Araňa, 64; Caden Lex Lucas, Mylene Luces, 35, Maxie Almerino, 5, Meliza Almerino, 45; at Vergillio Luces, 38, pawang taga-Silang, Cavite.
Sa ulat ng Bontoc Municipal Police Station, ang insidente ay naganap sa Ifugao-Bontoc Road sa Brgy. Bayyo, dakong 3:30 ng hapon.
Paakyat sana sa Sagada ang mga ito, sakay ng itim na SUV na minamaneho ni Araňa nang masagi nila ang kasalubong na Tamaraw FX na minamaneho ni Jocel Ducammol Cuting, 36, taga-Banaue, Ifugao, na pauwi na galing sa Bontoc.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang SUV hanggang sa dumiretso sa 60 metrong bangin.
Kaagad namang dumating ang mga tauhan ng Bontoc Police Station, Municipal and Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office, Bureau of Fire and Protection-Bontoc at civilian volunteers' group na nagsagawa ng rescue operation.
Iniimbestigahan pa ng pulisya si Cuting kaugnay ng insidente.