Inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang indikasyon na posibleng magpatupad ng lockdown matapos ang halalan sa Mayo 9 dahil sa posibleng pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID 19 sa bansa.

“Sa ngayon, walang indikasyon na magkakaroon ng lockdown matapos ang eleksyon,” pahayag pa ni Duque, sa panayam sa radyo nitong Sabado.

Sakali man aniyang kailanganing maghigpit, maaaring granular lockdown lamang ang ipatupad ng pamahalaan at hindi malawakang lockdown tulad dati.

“Kung magkakaroon man, granular lockdown na lamang. Tapos na tayo sa mga widespread lockdown,” aniya pa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Samantala, sinang-ayunan rin naman ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje ang sinabi ni Duque, sa Laging Handa briefing nitong Sabado.

Ani Cabotaje, hindi pa naman ‘significant’ ang pagtaas ng mga kaso ngunit iginiit na hindi pa rin dapat na magpabaya ang mga mamamayan at sa halip ay patuloy na maging maingat ang mga mamamayan

“The increases in cases are not significant, although we should not be putting our guards down,” aniya.

Una nang nagbabala ang DOH kamakailan na maaaring makaranas muli ng panibagong surge ng COVID-19 ang bansa sa kalagitnaan ng Mayo kung magpapabaya ang mga mamamayan at hindi tatalima sa ipinaiiral na minimum public health standards (MPHS) laban sa COVID-19.