Mismong si Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang nanguna sa inagurasyon at blessing ng bagong Physical Therapy and Rehabilitation Center (PTRC) sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Domagoso, ang nasabing center ay ikatlo na sa Maynila.
Ang unang dalawa aniya ay nasa Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital na nasa fifth at sixth district ng lungsod.
Sinabi naman ni GABMMC Director Dr. Ted Martin na ang bagong center ay para sa mga pasyenteng dumanas ng stroke, trauma o congenital anomalies.
Ang nasabing ospital ay nasa unang distrito ng Tondo. Ani Martin, nagbigay ng direktiba si Domagoso na ipagkaloob ang serbisyo ng bagong departamento ng GABMMC ng libre.
Tulad din aniya ito ng lahat mga medical services sa lahat ng city-run hospitals na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila.Ayon pa sa alkalde, ang nasabing centers ay magkakaloob ng serbisyo na katulad din ng serbisyong makukuha sa mga pribadong ospital kung saan ang pasyente ay kailangang gumastos ng libo-libo para sa parehong serbisyo.
"Gusto ko kasi na ang mga napapakinabangan ng mga mayayaman ay maranasan din ng mga mahirap na taga-Maynila. Gusto ko pantay-pantay, hanggat maaari," pahayag ni Domagoso, nang samahan siya ni Martin, chief of clinics Dr. Maria Isabel Ancheta at head ng rehab center na si Dr. Ovidio de Leon sa isinagawang inagurasyon at ribbon-cutting ceremony.
Tiniyak naman ni Martin na malaki ang maitutulong ng rehab center sa mga taong nais na manumbalik ang kanilang physical functions sa pamamagitan ng regular therapies at exercises.
Sinabi ni Martin na magagawa ito sa tulong ng Zyborg machine na parang robot na siyang gagawa ng lahat ng pagkilos upang manumbalik sa normal functions ang mga apektadong parte ng katawan lalo na mga kamay at paa.
Pinuri rin ni Martin si Moreno sa pagkakaloob nito sa city hospitals ng state- of- the-art facilities na makikita lamang sa mga advanced centers na matatagpuan sa Japan, United States at Canada.