Tinatayang aabot sa₱4 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nahuli sa isang Nigerian na nagpakilalang pastor sa Las Piñas City nitong Huwebes.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Christian Ubatuegwu.

Sa pahayag ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Inter-Agency Interdiction Task Group, agad nilang inaresto ang suspek matapos i-deliver sa kanya ang isang package na naglalaman ng illegal drugs.

Sinabi ni Gerald Javier, deputy task group commander ng NAIA-IAITG, galing ng Lao People's Democratic Republic ang package at dumating sa NAIA nitong Huwebes.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Aniya, hindi nakalusot sa kanilang pagsusuri ang package na nakadeklara na isang electric steamer at naka-consign kay Ubatuegwu matapos mabisto ang iligal na droga na laman nito.

Paliwanag ni Javier, agad silang nag-book ng delivery rider upang maipadala ito sa suspek.

Ang nasabing package ay tinanggap ng isang babae sa harap ng simbahan kung saan nakatira ang pastor.

Sa pagkakataong ito, inaresto ng mga awtoridad si Ubatuegwu na nagsabing hindi umano nito alam na may lamang droga ang kahon.

Halos 600 gramo ng iligal na droga ang laman ng package at ito ay aabot sa₱4 milyon.

Iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad ang kaso.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.