Nag-react ang labor leader at presidential candidate na si Ka Leody de Guzman ukol sa hamon ni Bise Presidente Leni Robredo kay dating senador at frontrunner na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na debate.

Ani de Guzman, maganda ang paanyaya ni Robredo kay Marcos ngunit mas magiging makabuluhan ito kung isasama siya.

"Maganda ang hamon ni Leni kay Bongbong na magharap sa isang debate. Pero mas makabuluhan kung isasama tayo sa debate upang masiguradong hindi maisasantabi ang mga batayang isyu ng masa at mga konkretong solusyon para dito," tweet ng labor leader.

"Yun ang exciting part para sa simpleng tao," dagdag pa niya. Ngayong araw, Abril 29, matapang na inanyayahan ni Robredo si Marcos Jr. para sa isang debate.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/04/29/robredo-hinamon-ng-debate-si-marcos-kung-papayag-po-kayo-anytime-anywhere-darating-ako/">Robredo, hinamon ng debate si Marcos: ‘Kung papayag po kayo, anytime, anywhere, darating ako’

Ang paanyaya ay naglalayong sagutin ang kontrobersiyang ibinabato kay Marcos, at upang masuri rin ng mga botatante si Marcos ngayong tumatakbo ito sa pinakamataas na posisyon.

“Sa puntong ito, isang kandidato na lang ang hindi pa humaharap sa taumbayan sa isang debate kasama ang lahat ng ibang kandidato. Mahalaga sana ito para masuri kami ng publiko, at para marinig nila at mapagkumpara ang vision at pagkatao namin,” ani Robredo.

“Inaanyayahan ko si Ginoong Bongbong Marcos na makipagdebate, para mabigyan ang taumbayan ng pagkakataong makaharap siya at matanong tungkol sa mga kontrobersiyang pumapalibot sa kanya. We owe it to the people and to our country. Kung papayag po kayo, anytime, anywhere, darating ako,” paanyaya ng bise presidente kay Marcos.

Gayunman, sumagot na ang kampo ni Marcos Jr. tungkol sa hamon ni Robredo na one-on-one debate.

"Sa debate na hamon kay presidential frontrunner Bongbong Marcos ay hindi ito kailanman mangyayari sa ilang kadahilanan. At batid ni Ginang Robredo ang mga kadahilanang 'yan," ayon kay Atty. Vic Rodriguez, spokesman ni Marcos.