Nilinaw ni Kapamilya singer at certified Kakampink na si Darren Espanto na Katoliko siya at kaniyang pamilya, at hindi sila miyembro ng Iglesia ni Cristo o INC.
Niretweet ni Darren ang Twitter post ng isang beteranang journalist, na tila kinukuwestyon kung ano na ang nangyayari sa mga youth members ng Iglesia.
"What's happening to Iglesia? It seems some youth members like the highly popular @Espanto2001 are openly backing @lenirobredo?" saad sa tweet ng journalist na si Raissa Robles noong Abril 27. Ibinahagi naman nito ang post mula sa Kapamilya Online World na si Darren ang kinatawan ng Gen Z na sumusuporta sa Leni-Kiko tandem.
Pagtutuwid ni Darren nitong Abril 28 sa kaniyang tweet, "Hello po, Ms. @raissawriter I'd just to clarify po that my family and I are all Roman Catholics."
Trending ang INC sa Twitter dahil inaabangan na ng lahat kung sino-sino bang kandidato ang i-eendorso ng kanilang pamunuan para umano sa block voting.
Usap-usapan na ang i-eendorso raw ay BBM-Sara at may lumutang pa na RoSa (Robredo-Sara) subalit wala pang kumpirmasyon o opisyal na pahayag ang mga kampo hinggil dito.