Malaki ang posibilidad na magkaroon ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) surge sa bansa pagkatapos ng halalan sa Mayo 9 bunsod na rin ng naitalang unang kaso ng Omicron BA.2.12 sub-variant sa Baguio City kamakailan.

Paliwanag ng OCTA Research Group na kahit nasa "very low risk" sa sakit ang bansa sa kabila ng bahagyang pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan sa ilang lugar sa Pilipinas ay dapat pa ring maging handa ang gobyerno sa sitwasyon.

Gayunman, nilinaw ng naturang independent monitoring group na ang posibleng biglaang pagtaas ng kaso ng sakit ay hindi kasing tindi ng Omicron surge noong Enero.

“Preliminary analysis [shows] there is a quite surge. And maybe you know not that many people are going to be affected. We are not even telling people to be alarmed,” sabi ni OCTA research group fellow Guido David.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pinawi naman infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, ang pangamba ng publiko sa nasabing Omicron sub-variant at sinabing "hindi nakamamatay" ito katulad ng Delta variant.

“Most of the cases are only mild and the risk of going to severe is less except for those vulnerable population,” dagdag pa nito.

Matatandaang naitala ng Pilipinas ang unang kaso ng Omicron BA.2.12 sub-variant sa Baguio City matapos tamaan ang isang babaeng taga-Finland na dumating sa bansa kamakailan. Ang nasabing banyaga ay nagsagawa ng weaving seminar sa lungsod hanggang sa matuklasang taglay nito ang sakit.

Nakabalik na rin sa kanilang bansa ang dayuhan matapos makarekober sa sakit.