Sumagot na ang kampo ni presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. tungkol sa hamon ni Vice President Leni Robredo na one-on-one debate.

Sa inilabas na pahayag ng spokesman ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, aniya nauunawaan niya ang bise presidente dahil sa kabiguan umano nitong makaharap sa isang debate si Marcos.

"Maaari po nas silang dalawa na parehong naghangad na maging pangulo ng republika ay magkaiba ng paniniwala hinggil sa pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mamamayan," saad ni Rodriguez.

Binigyang-diin niya na puro paninira at panlilinlang umano ang ginagawa ng kampo ng dilawan.

"Positibong pangangampanya at walang paninira ang gabay ng UniTeam ni Bongbong Marcos, at diretso sa taumbayan ang mga mensahe nito at ang panawagan ng pagkakaisa. Pawan ang negatibo, panlilinlang, at paninira naman ang sa kampo ng dilawan," aniya.

"Sa panahon ng krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya ay malaking ginhawa marahil sa naghihirap na mamamayan ang makitang kalmado lang na nangangampanya at hindi nag-aaway at nagsisiraan ang mga taong naghahangad na mamuno sa bansa," dagdag pa niya.

Samantala, sinabi rin ng spokesman na hindi kailanman mangyayari ang debate sa pagitan ni Robredo at Marcos.

"Sa debate na hamon kay presidential frontrunner Bongbong Marcos ay hindi ito kailanman mangyayari sa ilang kadahilanan. At batid ni Ginang Robredo ang mga kadahilanang 'yan."

Nangyari ang pahayag na ito nang matapang na inanyayahan ni Robredo si Marcos para sa isang one-on-one debate.

“Inaanyayahan ko si Ginoong Bongbong Marcos na makipagdebate, para mabigyan ang taumbayan ng pagkakataong makaharap siya at matanong tungkol sa mga kontrobersiyang pumapalibot sa kanya. We owe it to the people and to our country. Kung papayag po kayo, anytime, anywhere, darating ako,” paanyaya ng bise presidente kay Marcos.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/04/29/robredo-hinamon-ng-debate-si-marcos-kung-papayag-po-kayo-anytime-anywhere-darating-ako/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/04/29/robredo-hinamon-ng-debate-si-marcos-kung-papayag-po-kayo-anytime-anywhere-darating-ako/

Samantala, trending topic ngayon sa Twitter ang #MarcosDuwag na may 4,955 tweets as of writing.