Sinampahan na ng murder ang ilang opisyal ng pulisya sa Cordillera kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Pilar, Abra noong Marso 29 na ikinasawi ng isa sa bodyguard ni Vice Mayor Jaja Josefina Somera Disono.
Sinabi ni Atty. Joseph Martinez ng NBI-National Capital Region, kabilang sa kinasuhan sa Department of Justice (DOJ) sina Cordillera Autonomous Region (CAR) Regional Director Brig. Gen. Ronald Lee, Abra acting Police Provincial Director Col. Maly Cula, Police Lt. Col. Melencio Mina, hepe ng Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit; Police Capt. Ronaldo Eslabra, hepe ng Pilar Municipal Police, Comelec Officer 2 Rodrigo Base, at ilang tauhan ng Pilar Municipal Police at Regional Mobile Force Battalion.
Ang pagsasampa ng kaso ay kaugnay ng insidente ng pamamaril sa bodyguard ni Disono na si Sandy Bermudo. Paglalahad ni Martinez, nagsabwatan ang mga pulis sa insidente.
"Based sa mga ebidensya na na-gather namin, may sinet-up sila na PNP-Comelec checkpoint and pinalabas nila na 'yung checkpoint na 'yun ay legitimate pero iba ang nakikita namin sa ebidensya na nakuha namin," sabi nito.
Naniniwala rin ang mga complainants na nagsabwatan ang mga nasabing pulis kaugnay ng nalalapit na eleksyon sa Mayo 9.
Sa hiwalay na panayam sa telebisyon, iginiit naman ni Lee na alegasyon lamang ito ng NBI.
Pagdedepensa ng mga pulis, nakipagbarilan sa kanila ang mga tauhan ni Disono nang hindi huminto ang kabilang convoy.