Nakatakdang sirain ng Commission on Elections (Comelec) ang mga depektibong balota na para sana sa isasagawang automated election system sa bansa.

Sasaksihan umano ng publiko ang pagsira ng mga balota dalawang araw bago ang May 9 National elections.

“'Yung pag-destroy po ng mga defective ballots ay gagawin sa May 7 sa NPO (National Printing Office) in the presence of everyone," paglilinaw ni Commissioner George Erwin Garcia nitong Miyerkules.

Isasagawa ang hakbang kasunod na rin ng ulat na hindi nakalagay ang pangalan ni presidential candidate, Vice President Leni Robredo sa isang balotang natanggap ng isang Pinoy sa New Zealand kung saan ginanap ang overseas absentee voting kamakailan.

Matatandaang tinawag din ito ni Garcia na "fake news" dahil isang template lamang umano ang ginamit sa pag-iimprenta ng balota.

Hindi na binanggit ni Garcia kung kabilang sa sisirain ang mga balotang nakitaan ng walang pangalan ni Robredo.