Pinabulaanan ni Cliff Lewis, residenteng sangkot sa “paninigaw” sa grupo ng volunteers kasama si Jillian Robredo sa isang public market sa Baguio City, ang isang ulat ukol sa insidente.

Naglabas ng buong pahayag si Cliff sa isang Facebook video, Miyerkules, para linawin ang mga impormasyong lumabas matapos ang viral video.

Aniya, nabastos umano siya ng isang volunteer matapos niyang hilingin na huwag harangan ang daanan dahil na rin sa kanyang pagmamadali.

“Wala akong pakialam, ang importante, iboto mo si Leni,” ani Cliff na sinabi umano ng isang volunteer dahilan para ikagalit at manigaw siya.

Pinabulaanan ito ng Baguio volunteers at nauna nang sinabing “unprovoked” ang tensyonadong lokal nang mangyari ang insidente. Hindi rin ito nakunan o narinig sa mga kumalat na video online.

“Ay ganun po ba? Hindi pa po nananalo si Madam Leni nagiging diktadurya na kayo. Bintang kayo nang bintang na si Marcos ang diktadurya, kayo pala ang diktadurya,” pagbabahagi ni Cliff na naging tugon umano niya sa “bastos” na volunteer.

Nilinaw din nito na hindi niya nakita, nakausap at nakaharap si Jillian taliwas ng isang ulat ng isang programa kamakailan.

Sunod na ibinahagi ni Cliff ang umano’y panduduro sa kanya ng isang babaeng tagasuporta ni Robredo ilang segundo matapos niyang magtaas ng boses sa grupo.

“Kasama po yung dalawang pulis, dinuro-duro po ako nung babae,” sabi niya dahilan para tugunan niya ng mga salitang, “Huwag mo ko dinuduro-duro. Igorot ako. Kayo dayuhan lang kayo rito.”

“Hoy taga-Baguio ako," sagot ng tinutukoy na babae ni Cliff.

Taliwas sa pahayag ni Cliff, makikitang kalmadong kinausap ng abogadang si Kay Balajadia, ang tinutukoy nitong nanduro, ang tensyonadong residente na nagpatuloy pa rin ang pangangalaiti dahilan para pigilan na ito ng mga nakaantabay na dalawang pulis.

“Palibhasa si Leni ang magnanakaw hindi si Marcos,” nakunang pasigaw na sabi rin ni Cliff habang palayo sa grupo.

Dagdag niya, ang Baguio Public Market ay hindi dapat pinagsasagawanan ng pangangampanya.

Aniya pa, may mas angkop na mga lugar para gawin ang okasyon.

Hindi umano nirespeto at sa halip at sinarhan ng grupo ang mga paninda sa palengke, bagay na pinabulaanan ng nakunang video kung saan makikitang habang nagkukumpulan ang grupo nila Jillian sa isang bahagi ng daanan ay malaya pa ring nakakadaan ang mga mamimili.

Basahin: ‘Palengke run’ ng volunteers kasama si Jillian Robredo sa Baguio City, nauwi sa tensyon – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

“Hindi po ako humihingi ng tawad sa nangyari kahapon dahil wala po akong ipaghingi ng tawad. Ito po ay seryosong sinasabi ko, wala pong nagturo sa akin, wala po akong kodigo. Buong puso ko na sinasabi sa inyo, hinding-hindi ako hihingi ng tawad,” ani Cliff.

Sa huli, hiniling niyang itama ang ulat ng TV-5 na unang nagsabing sinigawan niya ang anak ni Robredo sa viral video.

“Pakibura po yang news niyo na yan at baguhin niyo po ang binabalita niyo sa mga tao.”

Sinabi niya ring wala siyang personal na isyu kay Robredo at ipinaglalaban niya lang umano ang karapatan ng mamamayan.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa bise presidente kasunod ng insidente.