Kinundena ng volunteers ni Vice President Leni Robredo ang walang habas na pag-vandalize, at pangre-redtag sa isang mahabang mural para sa presidential bet na matiyagang ginuhit ng mga kabataang Kakampinks sa San Jose, Navotas City.

“Kaisa po ng lahat ng mga kakampink volunteer at supporter na nagsusulong ng gobyernong tapat para umangat ang buhay ng lahat, mariin po nating kinukondena ang pagsupil sa karapatan nating magpahayag ng suporta kina VP Leni at Sen. Kiko sa pamamagitan ng pagsira sa ating mural paintings,” mababasa sa pahayag ng Navoteño para kay Robredo sa isang Facebook post, Miyerkules.

Anila, ang pagbaboy sa mga likhang sining ay “paglapastangan sa di-matatawarang kakayahan ng mga kabataang naglaan ng matinding oras at talento para tapusin ang mga obrang ito.”

Hindi rin pinalampas ng grupo ang pangre-redtag ng mga responsableng indibidwal at iginiit ng grupo na labag ito sa Saligang Batas.

Nanawagan ang grupo sa  lokal na pamahalaan ng Navotas at ang pamunuan ng barangay para “para mapanagot ang mga taong naglapastangan” sa politikal na sining.

Sa huli, nanindigan ang grupo na patuloy na isusulong ang hangarin na mapaunlad ang bansa sa pamumuno ni Robredo.

Pangako nila sa kabila ng insidente: “Patuloy po kaming titindig at radikal na magmamahal!”