Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes na makaboboto pa rin sa May 9 national and local elections ang mga botante na positibo sa Covid-19.

Ito ang inihayag ng Comelec, kahit hindi ito inirerekomenda ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang mga COVID-19 patients ay maaaring bumoto sa mga isolated polling precincts kung pahihintulutan silang lumabas ng kanilang quarantine areas.

“Kung talagang wala naman sa aming patakaran na hindi sila pagbobotohin, kaya lang ang pakiusap namin, kung saka-sakali, doon sa mga [may] nararamdaman lang, mas maganda sana na again face mask at kung kayo po ay okay lang sa inyo, mag-face shield na rin," ani Garcia sa isang press briefing.

"Lahat ng may nararamdaman, may sintomas ay makakaboto. Hindi namin sila pauuwiin," pagtiyak pa niya.

Una nang ibinunyag ng Comelec na mayroon silang isolation polling places sa panahon ng halalan na nakareserba para sa mga taong dumaranas ng sintomas ng Covid-19.