Sinabi ni Justice Secretary Menardo I. Guevarra nitong Miyerkules, Abril 27, na inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan, arestuhin, at magsampa ng mga kaso laban sa mga responsable sa pagpapakalat ng di-umano’y malisyusong mga video at litrato ng pangalawang anak na babae ni Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Guevarra na ang kanyang direktiba ay inilabas sa NBI bago pa man nagpadala ng liham si Dr. Janine Patricia “Tricia” Robredo noong Abril 21 sa pamamagitan ng kanyang legal counsel, ang abogadong si Pinky Barnabe, na humihiling sa NBI na imbestigahan ang mga post ng malalaswang larawan at video.
Ang parehong kautusan ay inilabas din sa NBI ilang araw bago nagpadala ng liham ang panganay na anak ni Vice President Robredo na si Aika sa NBI na humihingi ng parehong tulong sa mga katulad na gawa-gawang sex video.
“I had ordered the NBI to investigate the existence on the internet of certain obscene photos of allegedly the vice-president’s daughters even before they formally requested the NBI’s assistance,” ani Guevarra.
Pagtitiyak niya, “The cybercrime division is now working on it.”
Sinabi niya na inatasan din niya ang NBI na "magsampa ng naaangkop na mga kaso, kung kinakailangan ng ebidensya, laban sa mga maaaring mapatunayang responsable sa mga malisyosong gawaing ito."
Sa paghingi ng tulong sa NBI, sinabi ni Tricia sa pamamagitan ng kanyang abogado na ang mga naka-post na malalaswang larawan at video ay lumalabag sa Section 3(e) at Section 12 ng Safe Spaces Act.
Jeffrey Damicog