Tiniyak ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na handa na ang mga guro na magsisilbi sa halalan, gayundin ang mahigit sa 37,000 pampublikong eskuwelahansa bansa, na gagamitin bilang polling precincts para sa Eleksyon 2022.

Ayon kay DepEd Public Affairs Office director Marcelo Bragado, sumailalim na sa training ang mga gurong magsisilbi bilang board of election inspectors (BEIs).

Handa na rin aniya ang mga paaralang gagamitin bilang polling precincts sa eleksyon.

“Sa katunayan po, ang gagamitin pong mga paaralan sa eleksyon ay humigit 37,000 na public schools. Ang lahat ng ito ay naka-ready na,” ani Bragado, sa panayam sa telebisyon.

Aniya, ang mga naturang paaralan ay magsasagawa rin ng testing at sealing ng vote counting machines (VCMs) sa Mayo 2 hanggang 7, 2022.

Tiniyak pa ni Bragado na maging ang pagpapairal ng health protocols laban sa Covid-19 ay pinaghahandaan na rin nila upang masigurong maipatutupad sa mismong araw ng eleksyon sa Mayo 9.

Una nang isinapubliko ng DepEd na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampublikong paaralan sa bansa mula Mayo 2 hanggang 13, 2022 dahil na rin sa halalan.