Nag-alok na si Parang, Maguindanao Mayor Char Ibay ng ₱50,000 pabuya para sa ikaradakip ng nambomba sa isang bus sa lalawigan kamakailan na ikinasugat ng limang pasahero.
“Hopefully, the bounty will help hasten the identification and eventual arrest of the suspect,” sabi ni Ibay sa mga mamamahayag nitong Miyerkules.
Aniya, agad nilang ibibigay ang reward sa sinumang makakakilala at makapagtuturo sa pinagtataguan ng suspek na nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera habang tumatakas mula sa pinangyarihan ng insidente.
Sinabi naman ni Lt. Col. Cristio Lagyop, tagapagsalita ng pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nawasak ng bomba ang likurang bahagi ng bus.
Isa aniyang mobile phone ang ginamit na triggering device sa pambobomba.
Sa report, patungo na sana sa Dipolog City ang bus na nagmula pa sa General Santos City at nag-stopover ito sa national highway nang maganap ang pagpapasabog nitong Linggo, Abril 24 ng umaga.
Paliwanag ng pulisya, wala pang umaako sa insidente, gayunman, posible umanong may kinalaman ito sa negosyo.
PNA