Nasamsam ng Taguig City Police ang pinaghihinalaang iligal na droga na aabot sa ₱231,200 at baril matapos matimbog sa dalawang lalaki sa ikinasang anti-drug operation sa Taguig City nitong Martes.
Kinilala ni Southern Police District chief, Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Lobrex Kalatong, 39, isang tricycle driver, at Salipada Ibad, 35, kapwa taga-Taguig City.
Inaresto ang dalawa sa bisa ngisang search warrant na ipinalabas ng hukuman sa Road 18, Maguindanao St., Brgy. New Lower Bicutan, nitong Abril 26.
Nilinaw ng pulisya na nakatanggap sila ng impormasyon kaugnay ng umano'y pagbebenta ng iligal na droga ni Kalatong kaya humiling sila ng warrant sa korte para sa kanilang operasyon.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong paglabag sa Comprehensive of Firearm and Ammunitions Regulatory Act (Gun Ban) at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kina Kalatong at Ibad