Nirebisa ng Department of Education (DepEd) ang School Safety Assessment Tool (SSAT) upang maisulong at maihanda ang mga paaralan sa ligtas, epektibo, at mahusay na pagsasagawa ng progressive expansion ng face to face learning.
“We ensure that the health, safety, and well-being of our learners, teachers, and personnel remain as our utmost priority. Our revised SSAT will help the Department mobilize the progressive expansion of our face to face classes in areas under Alert Levels 1 and 2,” ayon kay Education Secretary Leonor Briones, sa isang pahayag nitong Martes.
Nabatid na na-update ang SSAT, batay sa mga resulta ng pagsubaybay at pagsusuri sa pilot implementation at bilang pagsasaalang-alang sa kasalukuyang kondisyon ng mga paaralan kaugnay ng ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.
Nakatuon anila ang binagong SSAT sa apat na pangunahing salik, kabilang ang Managing School Operations, Focusing on Teaching and Learning, Well-being and Protection, at School-Community Coordination.
Ang mga ito anila ay gagamitin upang masuri ang kahandaan ng mga paaralan na lumahok sa patuloy na pagpapalawig ng face to face classes.
Sa ilalim ng Managing School Operations, ang mga paaralan ay kailangang makatanggap ng suporta mula sa mga stakeholder ng komunidad, na nagbibigay-diin sa balangkas ng shared responsibility. Dapat silang magsagawa ng simulation activities sa mga kawani ng paaralan tungkol sa pagsasagawa ng face to face classes, at dapat tiyakin ng paaralan na ang mga lalahok na mag-aaral ay may pahintulot ng magulang.
Para nman sa Focusing on Teaching and Learning, ang pangunahing indikasyon na magsisiguro sa kahandaan ng paaralan ay ang pagkuha ng sapat na supply ng mga learning resources na kailangan sa pagpapalawig at design class programs na tumutugon sa pangangailangan ng parehong face to face class arrangement at distance learning education.
Samantala, ang mga kalahok na paaralan ay dapat bumuo ng mga estratehiya upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga stakeholder at panatilihin ang probisyon ng basic mental health services at psychosocial support upang matiyak ang kanilang kaligtasan at proteksyon.
Dagdag pa rito, ang paaralan ay dapat bumuo ng implementation plan para sa koordinasyon sa lokal na pamahalaan upang matiyak na ang mga alituntuning pangkaligtasan at kalusugan ay nasusunod nang tama at para sa pagpapatupad ng school-based immunization, bukod sa iba pa.
Paglilinaw naman ni Briones, “Our SSAT will not be the final determinant if a school will participate in our progressive expansion. It is our way to prepare our schools for the eventual reopening and to inform them of the required indicators and standards that they need to meet to ensure the safety of our learners and school personnel.”
Nabatid na hanggang nitong Abril 18, nasa 26,997 paaralan na ang nominado ng mga rehiyon upang lumahok sa progressive expansion.
Sa mga paaralang ito, 23, 963 ang nagpapatupad na ng progressive expansion ng in-person classes.