Naging matagumpay ang rollout ng second COVID-19 booster vaccination sa lungsod ng Maynila nitong Martes, na pinangunahan mismo nina Aksyon Demokratiko Presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna.
Sa ilalim ng naturang aktibidad, tanging ang mga kabilang lamang sa immunocompromised (ICPs) population na nagkakaedad ng 18-taong gulang pataas ang maaaring turukan ng second booster shot ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Domagoso, ang mga naturang indibidwal ay tumanggap ng second booster shots sa anim na city-owned hospitals na kinabibilangan ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.
Nagkaroon rin ng second booster vaccination sa apat na mall sites sa lungsod, na kinabibilangan naman ng SM Manila, SM San Lazaro, Robinson’s Ermita at Lucky Chinatown.
Sinabi naman ni Lacuna, na siyang in charge sa health cluster ng lungsod, ang 21 health centers sa lungsod ay ginamit bilang vaccine hubs at ang administrasyon ng second booster shots ay isasagawa aniya mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Tiniyak naman nina Domagoso at Lacuna na lahat ng brands ng bakuna ay available sa mga nasabing vaccination sites upang makapamili ng brand ng bakunang ituturok sa kanila ang mga vaccine recipients.
Samantala, sa panig naman ni Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, sinabi nito na ang rollout ng second booster shot o fourth dose ng COVID-19 vaccine ay alinsunod sa target ng National Vaccination Operations Center (NVOC) na makapag-administer ng 690,000 doses sa mga kuwalipikadong indibidwal.