Inihayag ng Makabayan Coalition nitong Martes, Abril 26, ang 10 kandidato sa pagka-senador na kanilang susuportahan sa eleksyon, bukod pa ito sa coalition standard bearers na sina dating Rep. Neri Colmenares at Kilusang Mayo Uno chairperson Elmer Labog.

Ang 10 kandidato ay sina dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, dating Vice President Jejomar Binay, Sen. Leila de Lima, Free Legal Assistance Group chairperson Chel Diokno, Sorsogon Gov. Chiz Escudero, Bukluran ng Manggagawang Pilipino president Luke Espiritu, Senador Risa Hontiveros, Lawyer Alex Lacson, Antique Rep. Loren Legarda, at Federation of Free Workers president Sonny Matula

“Inihahayag namin ang suporta sa kanila dahil sa track record nila ng pakikipagtulungan sa Makabayan sa mga piling mahahalagang isyu at laban ng mamamayan,” saad ng Koalisyon.

Kabilang sa mga isyu ay ang "socio-economic and political reforms to address the roots of the communist insurgency, pushing for the resumption of peace talks, human rights, amending the anti-terrorism law, stopping red-tagging and political repression, and asserting the country’s sovereignty against foreign powers."

“Mahalaga ang pagkakaisang ito upang maipanalo ang interes ng mamamayan at umangat ang kabuhayan ng nakararami, matigil ang paglabag sa mga karapatang pantao, at muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan,” ayon sa Makabayan coalition.

Ang senatorial lineup ng Makabayan ay may kaunting pagkakaiba sa opposition coalition 1Sambayan at sa tiket ni presidential candidate Vice President Leni Robredo.

Hindi kasama sa listahan ng Makabayan ngunit kasama sa 1Sambayan at sa tiket ni Robredo sina Senador Richard Gordon at dating Senador Antonio Trillanes IV.