Matapos pabulaanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang naunang tantsa ng mga organizer sa bilang ng mga dumalo sa NCR South birthday rally ni Vice President Leni Robredo, may pilyong hirit ang “Buwan” hitmaker na si Juan Karlos.
Hindi 412,000 kundi nasa 70,000 hanggang 80,000 lang ang dumalo sa naganap na rally ni Robredo sa Diosdado Macapagal Boulevard, sa Pasay City noong Abril 23 ayon sa pulisya.
“As to its entirety, the Leni- Kiko grand campaign rally was generally peaceful. It was attended to by an estimated crowd of more or less 70,000 to 80,000 supporters and volunteers onboard of MOL (more or less) 300 cars 15 buses, 100 MCs (motorcycles) and 15 PUJs (public utility jeepneys),” mababasa sa pahayag n g NCRPO.
Dahil dito, ilang mga tagasuporta ni Robredo ang humirit sa tantsa ng pulisya kabilang ang OPM hitmaker na si Juan Karlos.
“Kakampink po ako pero sa totoo lang wala po talagang pumunta dun sa Pasay imagination lang po namin lahat yun,” mababasa sa pilyong Facebook post ng singer.
Isa sa mga celebrity na nagtanghal si Juan Karlos sa naturang campaign event.
Ilang campaign sorties na rin ni Robredo kasama ang running mate na si Sen. Kiko Pangilinan ang dinaluhan ng singer mula nang magsimula ang kampanya para sa botohan sa Mayo 9.