Tinatayang 73.2 gramo ng umano'y ilegal na droga na nagkakahalagang ₱497,760 ang nakumpiska ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) sa Muntinlupa City at Taguig City, nitong Abril 25 at 26.

Ayon sa report, unang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Muntinlupa City Police sa PNR Site, Purok 2, Brgy. Bayanan sa lungsod, dakong 11:00 ng gabi na ikinaaresto ng mga suspek na sina Annrick  Sarsonas, alyas Tonton, 25, at Wen Wright Conde, 28.

Nasamsam kina Sarsona at Conde ang 50 gramo ng 'shabu' na may halagang ₱340,000, isang light blue derma set box at marked money.

Samantala, bandang alas-3:00 ng madaling araw ngayong Martes, Abril 26, nadakip ng mga tauhan ng SDEU sa Block 34, Lot 3A, Brgy. North Signal, Taguig City, ang suspek na si Aldrin Gabriel, 53, dahil sa paglabag sa ilegal na droga.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Nabatid na sinilbihan ng search warrant ang suspek na nagresulta ng pagkakarekober sa 23.2 gramo ng 'shabu' na may halagang  ₱157,760.

Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay isasailalim sa chemical analysis sa SPD Forensic Unit habang inihahanda na ng awtoridad ang pagsasampa ng kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.

“Ang SPD ay nagpapatuloy sa mga operasyon upang puksain ang lahat ng uri ng ilegal na droga gayundin ang lahat ng uri ng kriminalidad upang tayo ay magkaroon ng isang malinis at payapang pamayanan. Aking binabati ang ating mga kapulisan sa kanilang taimtim na pagtupad ng kanilang tungkulin,” pahayag ni SPD Director, Brig. General Jimili Macaraeg.