Matapos ilista ni Bongbong Marcos Jr. ang Bangui Windmills bilang isa sa kanyang mga nagawa sa loob ng tatlumpung taong serbisyo publiko, pinalagan ito ni Nana Didi sa pinakabagong DidiSerye episode.
Noong Abril 20, ibinahagi ni Marcos Jr. na sa kanyang termino bilang gobernador nagawa ang Bangui Windmills sa Ilocos Norte sa “malapit na pakikipagtulungan at kooperasyon ng pribadong sektor” na nagbunga ng mas mababang singil ng kuryente sa lugar. Naging isang modelo rin ito ng mas malinis at sustenableng pinagkukunan ng enerhiya sa rehiyon.
Hindi naman ito kinagat ni Dexter Doria o Nana Didi sa ikawalang episode ng DidiSerye Anang aktres, credit grabber si Marcos Jr. sa paglakip ng proyekto sa kanyang mga nagawa.
“Noong 1996, ginawa ng NorthWind Power Development Corporation ang Bangui Wondmills sa Ilocos Norte base sa research ng National Renewable Engery Laboratory ng USA,” pagsisimula ni Nana Didi.
“Yes, gobernador si [Marcos] Junior noong itinayo ang proyektong ito pero hindi siya ang bumuo o naghanap ng pondo para rito,” ani Nana Didi.
Ayon pa sa pananaliksik ng programa, kinumisyon ng World Bank ang proyekto at kasalukuyang may pinakamalaking shares sa wind mills ang AC Energy ng Ayala Group.
Banat ni Nana Didi, “Ang paggamit ng windmills o ang pagsabing idea niya ito, kahit hindi naman totoo ay credit grabbing. In other words, gusto ng recognition kahit hindi pinagtrabahuhan.”
Dagdag niya, “Ano sa palagay ninyo ang dapat gawin sa credit-grabber? Huwag magpauto na credit grabber. Gusto lang niya umeksena kapag gusto niya na kayo ang gumawa ng lahat ng trabaho. Isasali niyo pa ba ‘yan sa next group work?”
Wala pang tugon ang kampo ni Marcos Jr. sa presentasyon na ito ng DidiSerye.
Kilala ang programa na kritikal sa naganap na 1972 Martial Law Declaration at sa mga Marcos.