Nakatakda nang magsimula sa Miyerkules, Abril 27, 2022, ang local absentee voting (LAV) para sa mga botanteng magdu-duty sa mismong araw ng national and local elections sa bansa sa Mayo 9.

Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) nitong Martes na kabuuang 93,698 military, police, government at media personnel, ang nag-apply sa LAV.

Sa naturang bilang, 84,357 botante lamang ang pinayagang makapag-avail ng LAV,

Hindi naman inaprubahan ang aplikasyon ng may 9,341 indibidwaldahil hindi sila rehistrado o kaya ay na-deactivate mula sa voters’ list.

Anang Comelec, ang LAV ay tatagal lamang ng tatlong araw o hanggang sa Abril 29, 2022.

Magiging manu-mano ang pagboto ng mga local absentee voters at ang maaari lamang silang bumoto para sa national positions, kabilang na rito ang presidente, bise presidente, senador at party-list.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, ang pagboto ng mga military, police at government personnel ay pangangasiwaan ng pinuno ng kani-kanilang tanggapan, na siyang mamamahagi ng balota.

Kapag natapos nang bumoto ang mga ito, ang mga balota ay ilalagay sa envelope na kokolektahin ng office head at saka ipapadala sa Comelec Election Contests Adjudication Department (ECAD).

Ang mga media personnel naman ay boboto sa Regional Election Director - National Capital Region (RED-NCR).

Ani Garcia, ang mga LAV votes ay bibilangin ganap na alas-7:00 ng gabi ng Mayo 9 at isasagawa ito ng Committee on Local Absentee Voting sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Bureau of Treasury sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila.

Ang pagbibilang ay inaasahan namang sasaksihan ng mga watchers na ipapadala ng lahat ng mga kandidato.

Nabatid na kabilang sina Comelec Chairperson Saidamen Pangarungan at Commissioner Aimee Neri sa mga nag-avail ng LAV at sila ay boboto sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila.