Ilulunsad na ng San Juan City government sa Martes, Abril 26, ang second booster shot para sa mga immunocompromised individuals sa lungsod.
Mismong si San Juan City Mayor Francis Zamora ang mangunguna sa paglulunsad ng naturang proyekto ganap na alas-8:30 ng umaga sa ikatlong palapag ng VMall Greenhills Shopping Center.
Ayon kay Zamora, kabilang sa mga indibidwal na kabilang sa immunocompromised category ay yaong nasa immunodeficiency state, may HIV, may active cancer o malignancy, transplant recipients, sumasailalim sa steroid treatment, mga pasyenteng may poor prognosis o bed-ridden, at yaong ang mga kondisyon ay sinertipikahan ng mga doktor.
“We welcome this new development in our fight against COVID-19. We may have eased our COVID-19 restrictions in the new normal, but we must remain vigilant to avoid another surge. We already know that the vaccine efficacy wanes after several months, so getting the second booster shot is very important,” pahayag pa ni Zamora.
Ang mga eligible individuals aniya ay dapat na nasa 18-taong gulang pataas at nakatanggap na ng kanilang COVID-19 booster shot may tatlong buwan na ang nakakalipas.
Sinabi ni Zamora na kung naturukan naman ito ng ibang bakuna, dapat ay magpalipas muna ito ng dalawang linggo bago tanggapin ang kanyang second booster shot.
Tiniyak rin naman ng alkalde na ang mga magkukuwalipika ay maaaaring mamili ng vaccine brand na kanyang gustong iturok sa kanya, ngunit depende sa availability ng bakuna sa vaccination site, base na rin sa paabiso ng Department of Health (DOH).
Nanawagan rin naman si Zamora sa kanyang mga constituents na magparehistro nang muli sa kanilang registration portal upang makapag-avail ng second COVID-19 booster shot.
“I am calling on my fellow San Juaneños to register in our registration portal again and choose the '2nd Booster Registration' option to receive your second booster shot and get added protection against COVID-19,” panawagan pa ni Zamora.
Sa inilabas na datos ng San Juan LGU, nabatid na hanggang nitong Abril 24, 2022, ang lungsod ay nakapagtala na lamang ng apat na aktibong kaso ng COVID-19.
Ang mga fully vaccinated individuals naman ay nasa 262.11% na at ang na-administered booster shots ay nasa 95.95% na ng kanilang target population.