Hindi maaaring atasan ng Commission on Elections (Comelec) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) upang ipaarestoang mga kritiko nito kaugnay ng alegasyong pagpabor umano sa sinumang kandidato.

Ito ang iginiit ng election lawyer na si Emil Maranon at sinabing tanging ang Philippine National Police (PNP) lamang ang maaaring magsagawa ng pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na mula sa hukuman.

Kamakailan, nagbanta si Commissioner Rey Bulay na "hindi sila mag-aatubili" atasan ang militar upang maisagawa ang pagdakip sa mga bumabatikos sa Comelec.

Paliwanag ni Maranon, dapat alam ito ni Commissioner Rey Bulay dahil dati itong piskal.

"Dapat po i-correct because unang-una po may maling impression sa publiko na bawal nang magtanong o mag-criticize sa Comelec. It’s part of our freedom of expression and part of Comelec’s responsibility to answer this," banggit ni Maranon sa isang panayam sa telebisyon.

"Wala pong karapatan sumali ang AFP sa usapin ng eleksyon because election remains a civilian process po. The Comelec can prosecute in terms of propagation of fake information, but in terms of arrest it has to go through a process," pagdidiin nito.

Matatandaang nalagay din sa pagdududa ang kakayahan ng Comelec sa pagsasagawa ng halalan matapos makansela ang itinakdang debate sa ng mga tumatakbo sa pagka-pangulo at pagka-bise presidente.

"Kung di maayos ang pag-organisa ng debate, paano pa kaya ang eleksyon...It will put Comelec into the question kaya niyo bang itawid ang election kung ang mismong debate di maayos-ayos po," dagdag pa nito.