Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na "sinadya" umanong i-edit ang litrato ng isang balota sa New Zealand na walang pangalan ni presidential aspirant, Vice President Leni Robredo.
Ito ang reaksyon ni Comelec nitong Lunes, Abril 25, matapos kumalat sa social media ang nasabing litrato ng balota kamakailan.
"The Office for Overseas Voting (OFOV) confirms that the photo showing an official ballot received by an overseas voter in New Zealand has been deliberately edited to make it appear that VP Robredo's name is missing from the list of Presidential candidates," pahayag ng Comelec.
Binanggit na nakikipag-ugnayan na ang OFOV saDepartment of Foreign Affairs at sa Philippine Embassy sa New Zealand upang matukoy ang nasa likod ng pagpapakalat ng "edited" na larawan sa social media.
Nitong Linggo, tinukoyni Comelec Commissioner George Garcia na "fake news" ang naturang viral photo at sinabing isang template lamang ang ginamit sa pag-iimprenta ng balota para sa 2022 National elections.
“Fake news everywhere. Dami na namin referral sa NBI. One template lang sa New Zealand and serialized so kung may walang candidate, ‘di lang isa ang lalabas. [There are] at least 1,000 ballots for a batch of ballot ID numbers,” dagdag pa ni Garcia.