Hindi matatawarang likhang sining ang ipinapamalas ng Manila-based artist na si Jef Albea at ngayo’y nagmamarka na rin maging sa international community kasunod ng kanyang sold-out New York art exhibit kamakailan.

Labindawalang taon ang iginugol bilang isang fashion designer, hindi na bago para kay Jef ang glitz at glamour sa naglalakihang fashion events sa London, New York, India at Dubai.

Matagumpay na sa nabanggit na larangan, hindi ito nilimitahan si Jef at sa halip ay lalo pa siyang naging malaya para hanapin ang iba pang anyo ng sining. Kalaunan, nadiskubre nito ang bagong tahanan sa parehong mundo—ang paglililok.

Kagaya ng kanyang husay sa fashion industry, parehong antas ng pagmamahal sa sining ang ibinuhos ni Jef sa kanyang mga iskultura. Kapansin-pansin sa bawat anggulo, disenyo at detalye ng sining ni Jef ang buhay na kwento, maging ang sinasalamin nitong mensahe para sa lahat, higit lalo para sa kababaihan.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Sa paglalarawan ni Jef, ang kanyang obra ay hango sa kababaihang nagpamalas ng tagumpay, paglaya, pag-ibig at tapang. Kalakip ang kanyang interes sa paghahabi ng mga damit, ang komplikadong sining ay resulta ng matiyagang likhang kamay ni Jef upang isabuhay ang iba't ibang karakter ng kababaihan—isang mataas na pagpupugay na iilan lang ang kayang magpamalas.

Samantala, hindi na bago ang pangalan ni Jef sa industriya. Sa katunayan, marami na sa kanyang mga iskultura ang bumida sa ilan pang exhibits sa bansa kabilang ang kanyang unang pagtatanghal sa Shangri-la Plaza noong 2020 na nasundan ng kanyang ikalawang solo exhibit sa Art Lounge Manila noong Hulyo 2021.

Kagaya ng ninumang may malalim na pag-ibig sa sining, ang obra ni Jef ay kadalasa’y konseptong hinugot sa kalagitnaan ng gabi. Dito sunod na gugugulin ni Jef ang ilang oras, araw hanggang linggo para buhayin ang bagong obra maestra.

Kasalukuyang bida sa isang exhibit sa Philippine Consulate sa New York ang labindalawang simbolo ng kababaihang binigyang-buhay ni Jef. Sa tulong ng Hiraya Foundation Incorporated, naisakatuparan ang “Tadhana” exhibit na maaaring bisitahin ng Pilipino man o banyaga hanggang Abril 29.

“Destiny for me is equivalent to success. We have our own meanings of success- wealth, power, love, or fame. Whatever definition we can give to success, we can only define our future that’s why I named each artwork inspired by the things that make someone successful,” pagbabahagi ni Jef sa Balita kaugnay ng inspirasyon sa likod ng Tadhana exhibit.

Kamakailan, dalawang tinitingalang karakter ng kababaihan sa Pilipinas kabilang si Vice President Leni Robredo at Asia's Songbird Regine Velasquez ang mga inspirasyon ni Jef sa ilan sa pinakahuling mga obra nito.

Sa kabila ng atensyon at tagumpay tinatamasa ni Jef sa bagong larangan ngayon, pursigido pa lalo ito na ibuhos ang kanyang sining para sa buhay na pangarap. Nakatakda siyang maglunsad ng ilan pang proyekto sa hinaharap.