Tiniyak ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nitong Lunes, Abril 25, na bukas siya sa paglahok sa presidential interviews ng Commission of Elections (Comelec) at ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), kung magkaroon siya ng libreng oras.

“Basta libre 'yung oras, bakit hindi?” anang alkalde, nang matanong ng mga mamamahayag kung dadalo siya sa naturang Comelec at KBP interview sa susunod na linggo.

Ayon kay Domagoso, sa ngayon ay puspusan na ang kanilang pangangampanya lalo na at dalawang linggo na lamang ang natitira bago ang halalan.

Marami pa rin aniya siyang mga lalawigan, mga bayan at munisipalidad na kailangang bisitahin at puntahang muli para sa kanyang kampanya.

Gayunman, kung pahihintulutan aniya siya ng kanyang iskedyul ay tiyak na lalahok siya sa naturang interview.

“But if the schedule will allow, of course I will be happy to join,” aniya pa.

Una nang kinumpirma ng Comelec na kanselado na ang huling bahagi ng kanilang Presidential at Vice Presidential Town Hall Debate at sa halip ay magdaraos na lamang ng single candidate/team – panel interview format sa susunod na linggo.

Wala namang nakikitang problema dito si Domagoso at sinabing, “Kahit ano. Nag-a-apply ako sa trabaho, hindi naman namimili kung paano siya i-interviewhin ng kanyang future employer, which is in this case taongbayan.”