Nagbabala ang OCTA Research Group nitong Lunes na posibleng magkaroon muli nang pagtaas ng mga aktibong kaso ng Covid-19 sa bansa sa mga susunod na buwan, na maaaring umabot ng mula 50,000 hanggang 100,000, kagaya nararanasan ngayon sa South Africa at India.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na mino-monitor nila ang sitwasyon ng Covid-19 sa ibang bansa at nakitaan nila ang South Africa ng pagtaas ng aktibong kaso ng mula 1,000 lamang ay naging 4,000 sa loob ng isang linggo.
Sa Delhi, India naman, ang dating 100 kaso lamang ay umabot na sa 1,000.
Ayon kay David, nakababahala ito dahil ang sitwasyon ng Pilipinas ay sumusunod sa sitwasyon ng mga naturang bansa.
“Bakit concerning ito? Kasi ‘yung situation sa atin, medyo sumusunod tayo sa situation ng a few countries like South Africa, India, and Indonesia,” aniya pa.
“Dahil sa pagtaas ng kaso sa South Africa at India, I think it is very likely na makakakita tayo ng pagtaas ng bilang kaso sa Pilipinas sometime in the near future. Hindi ko masasabi kung kailan ‘yan, kung sa May or sa June, pero dahil nakikita na natin ito sa South Africa at sa India, it is likely na mangyayari dito,” dagdag pa ni David.
Mary Ann Santiago
ReplyForward