Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes ng hapon na nakapagtala pa sila ng kabuuang 1,465 bagong Covid-19 infections sa bansa mula Abril 18 - 24 ngunit walang bagong severe o kritikal na kaso silang nairekord.

Sa weekly report nitong Lunes, sinabi ng DOH na ang naturang bilang ay 12% na mas mababa kumpara sa kabuuang kaso na naitala mula Abril 11 - 17 na umabot sa 1,674 COVID-19 cases.

ang naturang total cases nitong nakalipas na linggo ay nangangahulugan na mayroong average na 209 kaso ng sakit na naitatala kada araw, na mas mababa sa average na 239 noong nakaraang linggo.

Kaugnay nito, nakapagtala ang DOH ng karagdagang 213 Covid-19 deaths nitong nakalipas na linggo at 43 lamang sa mga ito ang naitala nitong Abril.

Sa kabila naman ng mas mababang bilang ng mga bagong kaso ng sakit ngayon, iniulat ng ahensya na nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa healthcare utilization rate na nasa 16.9% mula sa dating 16.7% lamang habang ang ICU-bed utilization ay tumaas din ng mula 15.8% hanggang 16.9%.