Ang umano’y ugnayan ni Vice President Leni Robredo sa kilusang komunista ay “desperadong hakbang” ng mga karibal sa pulitika para siraan ang kanyang adhikain sa pagkapangulo, ani dating Senador Antonio Trillanes IV nitong Linggo, Abril 24.

Binanatan ni Trillanes, na muling tumatakbong senador, ang mga detractors ni Robredo na gumagawa ng "gawa-gawa" na mga akusasyon dahil wala silang mahanap na anumang negatibong isyu laban sa Bise Presidente.

Si Robredo ay paulit-ulit na iniugnay sa kilusang komunista, ang pinakahuli ay ang tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Maria “Joma” Sison na anang pekeng balita ay nagsisilbing tagapayo raw kanyang kampanya ni Robredo.

Hindi ito ang unang pagkakataon na hinarap ni Robredo ang mga akusasyon na inihanay niya ang sarili kay Sison, ang punong political consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Maging sina Senator Panfilo Lacson at Cavite Rep. Boying Remulla ay inakusahan ang kampanya ni Robredo na "infiltrated" ng mga komunista. Ang mga paratang na ito ay dumami mula noong panahon ng kampanya sa halalan.

“Hindi po totoo ‘yan. Fake news po ‘yan,” ani Trillanes na muling pinabulaanan ang mga kumalat na akusasyon.

Pinatunayan ng dating senador na wala siyang nakikitang komunista sa loob ng kampo ni Robredo.

Si Sison mismo ay tahasang itinanggi ang isang balita na nagsasabing siya ay kumikilos bilang consultant para kay Robredo at sa kanyang kampanya.

Pinag-iisipan ng legal team ng Bise Presidente ang posibleng legal na aksyon laban sa mga taong nagpapakalat ng "fake news".

Binatikos ni Trillanes bilang “nakakatawa” na ang mga taong nag-aakusa sa Bise Presidente ng paghahanay sa kanyang sarili sa komunistang grupo ay siya ring mga sumuporta kay Pangulong Duterte na nakipag-isa sa New People’s Army (NPA) at nakipag-usap mismo kay Sison.

“Kumbaga, hypocrisy, intellectual dishonesty, ang ginagawa nitong mga ito makapanira lang kay VP Leni,” aniya sa isang panayam sa dzXL.

Hinikayat niya ang lahat na nagbabasa ng mga gawa-gawang kuwento na armasan ang kanilang mga sarili sa katotohanan at i-tag bilang "pekeng balita" ang mga ulat na ito.

Sinabi ni Trillanes na mabuti na lang na natugunan na ng kampanya ni Robredo ang isyung ito nang direkta at nilinaw ang mga alegasyon na ito.

Pinuna ng mga aktibista ang administrasyong Duterte sa paggamit ng red-tagging sa pamamagitan ng kontrobersyal na Anti-Terror Law (ATL) na inakda ni Senator Lacson para takutin ang mga kritiko, kabilang ang mga community pantry organizers na tumulong sa panahon ng pandemya.

Raymund Antonio