Nanawagan muli ang ilang transport groups sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubahan na ang hiling nilang ₱15 na minimum na pasahe sa jeep dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa isinagawang National Transport Summit 2022 sa Marikina City, binanggit ni Stop & Go Coalition national president Zaldy Ping-Ay, panahon na upang tugunan ng LTFRB ang kanilang petisyong na maitaas ang pamasahe sa pampublikong sasakyan sa bansa.

Sinabi Ping-Ay na kaya sila humihiling sa pamahalaan na itaas ang pasahe dahil na rin sa walang tigil na pagtaas ng diesel at iba pang produktong petrolyo at ibigay na rin ang inaasahang fuel subsidy.

Dapat din aniyang sabay na ibigay ng gobyerno ang fuel subsidy at taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Paliwanag ni Orlando Marquez, pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, mahigit sa 20,000 na tsuper ng jeep ang hindi makatatanggap ng subsidiya mula sa LTFRB dahil hindi umano nakapangalan sa kanila ang mga minamanehong jeep.

Kinuwestiyon din ni Marquez ang LTFRB dahil wala aniyang rason upang hindi ibigay ang subsidiya sa mga driver na patuloy namang nagbabayad ng reshistro sa ahensya at nagseserbisyo pa sa publiko.

Tinalakay din sa nasabing pagpupulong ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Department of Transportation (DOTr) na lalong nagpapahirap sa mga driver.