Palaisipan sa mga netizen at tagahanga ni Kapuso actor Ken Chan kung sino ba ang pinatututsadahan niya sa sunod-sunod na cryptic tweets simula noong gabi ng Abril 23.
Batay sa kaniyang mga tweet, mukhang para ito sa mga taong 'plastik' o 'backstabber'.
"Don’t worry about what people say behind your back, they are the people who are finding faults in your life instead of fixing the faults in their own life," saad niya bandang 7PM.
Inulit niya ito bandang 9:32PM ngunit ito ay video clip na.
"Reminder: Huwag na huwag kang maninira ng ibang tao masama 'yun, lalo na wala namang atraso sa'yo yung taong sinisiraan mo. Nakatingin sa'yo si Lord."
Sumunod, ibinahagi naman niya ang panonood ng Netflix documentary na 'The Tinder Swindler'.
"Ang ganda pala nito!!! napanood n'yo na? Ako kaka-start ko lang, nabalitaan ko kasi."
Ngayong Linggo, Abril 24, tila hindi pa rin humupa ang parinig ni Ken.
"Nagtaka ka pa kung bakit ganito mga posts ko ah. Tanungin mo kaya sarili mo kung bakit. Realization: Ang sakit pala kapag ang taong malapit sa'yo ay kaya kang siraan. Buti na lang talaga…"
Sa puntong ito ay tila marami na sa mga tagahanga ng isa sa mga bida ng teleseryeng 'Mano Po: Her Big Boss' ang naalarma sa pinagdaraanan ni Ken. Nilinaw niya na hindi niya kaanak ang pinariringgan niya.
"Hindi ko po kamag-anak yung pinatatamaan ko sa mga posts ko," aniya.
"Kung sino man po 'yun ipagdasal na lang po natin. Si Lord na ang bahala," komento ng isang netizen.
"Yan din ang ginagawa ko. Pinagdarasal ko na lang siya baka sakaling magbago ugali niya," tugon ni Ken.
Niretweet naman niya ang isang komento ng netizen sa isa sa mga tweet niya.
"Yun ang masakit sa backstab… hindi 'yung mga sinasabi or kinakalat niya, ang mas masakit kung sino ang may hawak ng knife paglingon mo."
"Nakuha mo!!!" reaksyon ng aktor.
Nagpaumanhin naman si Ken sa mga netizen na naba-bother na sa mga cryptic post niya. Inamin niya na kailangan niya talagang ilabas ang galit na pumupuno sa kaniyang dibdib ng mga sandaling iyon. Hindi na raw niya kinakaya.
"Ngayon lang ako nag-post ng mga ganito. I’m sorry guys kailangan ko lang ilabas ang galit na nararamdaman ko. Pasensya na naapektuhan kayo. Hindi ko lang din kasi kinaya…"
"Kapag nag-rant ako at nilabas ko ang saloobin ko baka hindi n'yo kayanin kaya ok na ito. Salamat sa inyong lahat!"
Hindi naman binanggit ni Ken kung sino ba ang kaniyang pinatututsadahan sa kabila ng pag-aalala ng mga tagahanga at tagausbaybay niya sa kaniya. Nagtapos ang kaniyang tweet sa pagpapaalam na may taping pa siya.
"Alam ko naman hindi n'yo ako iiwan kahit na anong mangyari. Isang dekada na tayong magkakasama!" pahabol ni Ken.
Sinetch itey nga ba ito? Kaibigan o katrabaho? Yun na!