Dumipensa na ang Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pagkakaurong ng nakatakda sanang presidential at vice presidential debates ngayong weekend.

Ikinatwiran ni Comelec Commissioner George Garcia nitong Linggo, nagkaroon lang ng "miscommunication" at pagkalito sa pagitan ng debate contractor na Impact Hub Manila at ng Sofitel Garden Plaza kaya ipinagpaliban ang huling pagsasagawa ng debate na nakatakda sana sa Abril 23 at 24.

"As end user, we are not a party to the agreements between our contractor and their supplier. So unfortunate that their supposed misunderstanding affected us and the conduct of the activity,” paglilinaw ni Garcia sa panayam sa telebisyon.

Matatandaang nagpasya ang Comelec na iurong ang debate nang pumalag ang Sofitel dahil sa hindi pa pagbabayad ng P14 milyong utang ng organizer at nagbanta rin ang may-ari ng Sofitel na Philippine Plaza Holdings, Inc. na kanselahin ang kanilang kasunduan.

Naiulat na humihingi ng bayad ang Sofitel matapos tumalbog ang tsekeng ibinayad ng Impact Hub.

Aniya, hindi na desisyon ng Comelec ang usapin, gayunman, nangako ito na iimbestigahan nila ito upang madetermina kung sino ang mananagot.

Nilinaw din niya na walang nagastos na pondo ng bayan sa usapin.

Ang debate ay itinakda na ng Comelec sa Abril 30 at Mayo 1.