Inaasahan ng Commission on Elections (Comelec) na matatapos ang imbestigasyon sa isyu ng huling leg ng PiliPinas Debates 2022 sa Biyernes, Abril 29.
Sinabi ni Poll Commissioner Rey E. Bulay noong Biyernes, Abril 22, na sisiyasatin niya ang usapin.
Sa panayam sa radyo ng DZMM, sinabi ni Comelec Commissioner George Erwin M. Garcia na sinabi ni Bulay sa poll body na kailangan lang niya ng isang linggo para imbestigahan ang isyu ng ipinagpaliban na debate.
“Commissioner Bulay asked for one whole week to finish the investigation on this matter,” aniya.
Sinabi ni Garcia na ang kanyang kapwa komisyoner ay agad na nagpadala ng mga liham sa mga kinauukulang indibidwal, na humihiling sa kanila na magbigay ng written explanation kung bakit hindi natuloy ang dapat na mga debate noong Abril 23 at 24.
Samantala, hiniling ni Garcia sa publiko na bigyan ng benefit of the doubt ang mga indibidwal na sangkot sa isyu dahil inosente pa rin sila maliban kung mapatunayang may pagkukulang.
Nilinaw niya na hindi pa naglalabas ng kahit isang sentimos ang Comelec para sa proyekto.
Tungkol naman sa P15 milyon na purchase order (PO) sa Impact Hub Manila, sinabi ni Garcia kung naproseso na ito, hindi ito ilalabas habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
“‘Di ko po kasi nakita ‘yung PO na ‘yan. Nabanggit lang din. I guess po at this point ‘di po muna siya ma process o kung na process man wala i-release whatsoever pending the outcome of the investigation,” tugon niya sa midya nang tanungin ukol sa usapin.
Sinabi ni Garcia na maghihintay ang Comelec hanggang Martes, Abril 26, para sa kumpirmasyon ng pagdalo ng mga kandidato sa pagkapangulo at bise-presidente para sa mga muling nakatakdang debate.
Tutulong din ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na ilunsad ang mga natitirang debate. Sinabi ng poll commissioner na hiniling ng KBP sa Comelec ang presensya ng lahat ng kandidato.
Sa isang pahayag na inilabas noong Sabado, Abril 23, sinabi ng Impact Hub Manila na ang Comelec ay "hindi partido sa kontrata sa pagitan ng Impact Hub Manila at Sofitel."
Sinabi ng pribadong kumpanya na ang "hindi pagkakaunawaan" ay humantong sa pagpapaliban ng huling leg ng PiliPinas Debates 2022.
Noong Abril 22, inanunsyo ni Garcia ang pagpapaliban ng PiliPinas Debates: 2022, na nagsasabing mayroong "mga hindi inaasahang pangyayari na imposible para sa Komisyon na magpatuloy sa debate sa Sabado at Linggo."
Sinabi ng Comelec na ire-reset ang huling leg ng presidential at vice-presidential debate sa Abril 30 at Mayo 1.
Jel Santos