Matapang na inihayag ng aktres na si Angel Locsin sa kanyang talumpati sa grand rally ng tambalang Leni-Kiko na ang Malacañang ay para sa taumbayan.

Binanggit ng aktres sa grand rally noong Sabado, Abril 23, ang mga katangian ng lider na iboboto niya sa darating na halalan.

Aniya, kailangan ng mga tao ang lider na handang tumulong kahit anong oras, hindi takot lumabas at humarap sa mga tao, at tunay na makatao.

"Kaya alam niyo po ang pipiliin kong lider ay ang lider po na para po talaga sa mga tao," saad ni Angel.

"'Yong isang lider na sisiguraduhin na ang Malacañang at ang buong bansa ay para sa taumbayan," dagdag pa niya.

"Alam niyo ho ayoko na pong pag-usapan 'yon pero sabi nila sandali lang daw tayo mag-speech," pabirong sabi pa niya.

"Ako po si Angel Locsin, isa po akong Pilipino, isang volunteer-- proud volunteer, at ang iboboto ko po ay si Leni Robredo."

Matatandaan na kamakailan ay naging usap-usapan ang tungkol sa Malacañang dahil sa naging diretsahang pahayag ngTV host-actress-vlogger na si Toni Gonzaga na babalik si presidential candidate Bongbong Marcos sa tahanan nito sa Malacañang.

“Kaunting-kaunting panahon na lang, babalik na si BBM sa kaniyang tahanan — ang Malacañang,” pahayag ng dating Pinoy Big Brother (PBB) host.

Basahin:https://balita.net.ph/2022/04/19/toni-g-kaunting-kaunting-panahon-na-lang-babalik-na-si-bbm-sa-kaniyang-tahanan-ang-malacanang/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/04/19/toni-g-kaunting-kaunting-panahon-na-lang-babalik-na-si-bbm-sa-kaniyang-tahanan-ang-malacanang/

Kamakailan din ay sinupalpal ni Mothers for Change Partylist first nominee Mocha Uson ang pahayag ni Toni.

“Gusto ko lang magkomento dito sa sinabi ni Toni Gonzaga. Alam mo ma’am, hindi maganda ‘yang sinasabi niyo. Napaghahalataan na wala kayong alam sa public service,” bungad na pahayag ni Uson sa isang Tiktok video.

“Para sabihin mo na babalik na sa kanyang tahanan si Marcos ay parang sinabi mo na rin po na diktador ang kanilang pamilya na ginawa lang na tahanan ang Malakanyang noon. Umalis lang saglit at ngayon babalik muli para angkinin ito,” dagdag pa niya.

Basahin ang buong pahayag:https://balita.net.ph/2022/04/20/tahanan-ni-bbm-ang-malakanyang-mocha-uson-pinangaralan-si-toni-gonzaga/