Umabot na sa 10 ang nasawi at 16 ang naiulat na nawawala matapos lumubog ang sinasakyang sightseeing boat sa karagatan ng Hokkaido sa Japan nitong Sabado, Abril 23.
“We have confirmed the deaths of all 10 people who have so far been retrieved, ayon sa tagapagsalita ng Japan Coast Guard spokesperson.
Sa pahayag nito, kabilang sa 10 na nasawi sa trahedya ang pitong lalaki at tatlong babae.
Ang mga tauhan aniya ng Japan Self-Defense Forces ay nagsasagawa pa rin ng search-and-rescue operations sa bahagi ng nasabing karagatan.
Naiulat na umalis ang nasabing Kazu 1 sightseeing boat sa daungan ng Utoro sa Hokkaido dakong 10:00 ng umaga ng Sabado dahil plano nitong lumibot sa dulo ng Shiretoko Peninsula bago bumalik sa Utoro kinahapunan.
Gayunman, habang naglalayag ay biglang nagkaroon ng aberya hanggang sa unti-unti na itong pinapasok ng tubig.
Binanggit din sa ulat na bago pa lumayag ang Japanese tour boat patungong Kashuni Falls na pamosong sightseeing spot sa Shiretoko Peninsula, binalaan na ito dahil sa malakas na hangin at malalaking alon na aabot hanggang 10 piye sa nasabing lugar.
Ang bangkay ng sampu sa 26 na pasahero ay natagpuan ng mga rescuer sa magkakahiwalay na lugar malapit sa Cape Shiretoko nitong Linggo ng umaga.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.