Nangako si UniTeam senatorial aspirant Harry Roque na ipaglalaban nito ang malayang pamamahayag at malayang pananalita upang mailabas ng mga Pinoy ang kani-kanilang opinyon.

Aniya, dapat ay walang batas na sumusupil sa freedom of expression, gayundin sa malayang pamamahayag.

"Hayaan mong ang taong bayan ang mag-decide kung ano ang fake news pero hindi mo puwedeng supilin ang malayang pamamahayag, malayang pananalita," sabi nito sa isang panayam.

“Naiisip ko merong mga kumpanya na kumikita dahil sa pag-disseminate ng impormasyon. Sila naman dapat ang may responsibilidad na siguraduhin na ang kanilang medium ay hindi ginagamit para sa panlilinlang,” sabi ni Roque.

Sa isang survey ng Social Weather Stations noong Pebrero 2022, naniniwala ang 70 porsyento ng mga Pinoy na malaking problema ang fake news at pagpapakalat nito sa social media.

Kung mananalo, ipinangako ni Roque na isusulong nito ang isang batas na panagutin ang nasa likod ng nagpapakalat ng mali at pekeng impormasyon.

PNA