Nangampanya si presidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa Maynila na balwarte ng kalaban nito sa pagka-pangulo na si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, nitong Sabado ng gabi.

Kasama ni Marcos ang katambal na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nang suyuin ng mga ito ang mga botante sa bahagi ng Bustillos na kalapit lang ng Malacañang. 

Katulad ng dating ginagawa sa mga nakaraang campaign rally ng UniTeam, nangako si Marcos sa mga botante na ibabalik nito ang mga natanggal sa trabaho dulot ng pandemya ng Covid-19 at reresolbahin din nito ang patuloy na pagtaas ng pangunahing bilihin.

"Ito pong dinaanan natin na krisis, ang isa pong natutunan natin ay lahat po ng Pilipino ay nangangailangan po ng tulong.Kahit po mayaman, kahit po mahirap, kahit po sikat, kahit hindi po kilala, lahat po ng Pilipino nangangailangan po ng tulong at alam naman po natin na ang tutulong lang sa Pilipino ay ang Pilipino rin," paliwanag nito.

"Magpa-booster shot na po kayo para tayo ay makabalik na sa trabaho, hindi na tayo mai-lockdown. Bawal na ang lockdown dahil kawawa na masyado ang mga tao, kawawa na, naghihirap at hindi makapasok sa trabaho," sabi nito.

Sa pagtaya ng Manila Police District (MPD), aabot sa 14,000 supporters ang dumalo sa nasabing campaign rally.

Ang pangangampanya ng UniTeam sa Maynila ay kasabay ng "birthday rally" ni presidential candidate, Vice President Leni Robredo sa Pasay City nitong Abril 23.