Binati ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso si Vice President Leni Robredo na nagdiriwang ng ika-57 kaarawan ngayong Sabado, Abril 23.

Sa isang ulat ng PTV, gabi ng Biyernes, Abril 22, isang maikling pahayag ang naiulat na sinabi ng alkalde.

“I wish her all the best. I know she is in good places,” ani Domagoso.

Kapansin-pansin ang paggamit ng alkalde ng pararilang “in good places” na agaw-pansin kamakailan nang batiin ni Robredo si Kim Chiu sa kaarawan nito.

Pagsita kasi ng ilan, ang linya ay nangangahulugang “pagpanaw” o “pagsakabilang-buhay” dahilan para naman depensahan ng mga tagasporta ni Robredo ang anila nama’y maling pag-unawa sa isang “idiomatic expression” kung tawagin sa Wikang Ingles.

Basahin: Basher, nakatikim ng talak kay Kim Chiu matapos okrayin ang b-day greetings ni VP Leni sa kaniya – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Isa sa mga dumepensa sa bise-presidente si Miss Trans Global Mela Habijan na ipinaliwanag ang pagkakaiba ng “in a good place” sa “a better place” sa kanyang ngayo'y viral Facebook post

Samantala, matatandaan ang sunod-sunod na mga tirada ng alkalde kay Robredo nitong buong linggo matapos ang naganap na Easter joint conference noong Abril 17.

Kabilang sa mga pahayag ni Isko kay Robredo ang umano’y pambu-bully nito sa kanyang kampo sa pamamagitan ng paghiling na umatras siya sa halalan, ang pagmamalinis umano nito bukod sa iba.

Nauna na ring nagbigay ng reaksyon si Isko sa lumabas na maling balita ukol sa sinabi umanong pagkakaroon ng gulo sakaling matalo si Robredo sa halalan.

Basahin: ‘Malalaking rally’ ni Robredo, paghahanda sa maaaring gulo kapag natalo ito — Domagoso – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Pinabulaanan na ni Robredo ang malisyuso at maling pahayag. Hindi na rin daw papatulan ng bise-presidente ang mga binitawang alegasyon ng alkalde.

Basahin: Robredo sa umano’y pahayag niya na maaaring magkagulo pagkatapos ng elex: ‘I never said that’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid