Itinanggi ni presidential candidate, Vice President Leni Robredo na "adviser" nito si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison sa election campaign nito.

“Walang katotohanan ang kuwento na ‘adviser’ ko o ng ating kampanya si Jose Maria Sison. Hindi ko pa siya nakakausap kahit minsan, personal man o sa anumang paraan.Ilang ulit ko na ringnilinawna hindi ako kailanman makikipag-ugnayan sa sinumang indibidwal o grupo na gumagamit ng dahas para isulong ang interes," sabi ni Robredo sa isang panayam sa telebisyon.

“Malinaw na kasinungalingan ang paratang na siya ay nagbibigay ng ‘advice’ sa akin o sinuman sa aking staff," anito.

Matatandaang ilang beses nang iniuugnay si Robredo sa grupong komunista matapos simulan ang election campaign period.

Nitong nakaraang buwan, binalewala rin nito ang alegasyong sinusuportahan nito ang kilusan ni Sison.

“Kasalukuyang pinag-aaralan na ng ating mga abogado ang pagsampa ng nararapat na kaso para panagutin ang nagpalabas ng kasinungalingang ito,” ayon kay Robredo.

Nitong Sabado, nilinaw naman ni Sison na isang "fake" ang artikulo ng isang news website na sinasabing nanggaling ito sa Ang Bayan na official publication ng CPP na nagsasabing inamin umano ni Sison na pinapayuhan nito si Robredo para sa kanyang kampanya sa halalan.

“I have not been advising Leni Robredo, although I think that she is a far more qualified candidate for president,” pahayag ni  Sison sa panayam ng Philstar.

Itinanggi na rin ng official publication ng CPP na Ang Bayan na naglabas sila ng nasabing artikulo.“There was never such a news item published in Ang Bayan,”paglilinaw ni CPP chief information officer Marco Valbuena.