Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson Saidamen B. Pangarungan na ang poll body ay nagdeklara ng 104 na munisipalidad at 14 na lungsod sa ilalim ng red category.

“Actually, we have 104 municipalities sa buong Pilipinas na naka-pula meaning areas of great concern, at 14 cities na naka-red category rin,” aniya sa isang ambush interview sa Basilan, Sabado, Abril 23.

Gayunpaman, hindi isiniwalat ni Pangarungan ang mga lugar na inilagay ng Comelec sa ilalim ng red category.

Aniya, mahigpit nilang binabantayan ang 104 na munisipyo at 14 na lungsod.

“[Ka]pag may sumiklab diyan na violence that threatens the peace of the election, we might declare that under Comelec control,” aniya.

Gumagamit ang Comelec ng color-coded system para i-tag ang “areas of concern”, na dating tinatawag na “hotspots” ng halalan.

Ang mga lugar na na-tag bilang berde ay walang problema at walang dahilan para alalahanin; ang dilaw ay nangangahulugan na ang mga lugar ay may kasaysayan ng kaguluhang pampulitika; habang ang kahel ay nagpapahiwatig ng mga naturang lugar na may mga armadong grupo.

Noong Abril 4, inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) na ilagay ang 100 munisipalidad at 14 na lungsod sa ilalim ng red category ng Comelec.

Jel Santos