Sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang pagsasara ng Macapagal Boulevard sa Abril 19-24 ay hindi panggigipit o para pigilan ang mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo sa pagdalo sa grand rally sa Sabado, Abril 23.

Paglilinaw ng ahensya na ang pagsasara ay kahilingan ng organizers ng rally na pinayagan ng Pasay City government at hindi na tinutulan ng MMDA kahit magdudulot ito ng traffic ng limang araw. 

Bahagyang isinara sa trapiko ang Macapagal Boulevard dahil sa malaking itinatayong entablado kaya’t isang lane lamang ang madaraanan. 

Isasara ang kalsada sa mismong araw ng rally dahil inaasahang maookupa ito ng mga dadalong supporters. Muli itong isasara kinabukasan, Abril 24, upang bigyang-daan ang pagbabaklas ng entablado.

Napagkasunduan ng organizers at ng lokal na pamahalaan ng Pasay City ang nasabing traffic plan. 

Ang tanging partisipasyon lamang dito ng MMDA ay ang pagpapatupad ng traffic management at pag-aanunsyo sa publiko patungkol sa road closure upang maiwasan ng mga motorista ang pagdaan sa lugar.

Ang maagang pagsasara ng Macapagal Boulevard ay labag sa polisiya ng MMDA hinggil sa pagbabawal ng  political activities sa mga pangunahing lansangan mula Lunes hanggang Biyernes. 

Subalit pinahintulutan ito ng ahensya upang hindi maakusahan ng pagiging ‘bias’ o may kinikilingan.

Samakatuwid, hindi patas ang mga ibinabatong akusasyon sa ahensya na sabotahe ang ginawang pagsara ng kalsada. 

"Muli para sa kaliwanagan ng lahat ang pagsasara ng Macapagal Blvd. ay para sa rally hindi po laban sa rally."