Hindi nagustuhan ng veteran showbiz columnist na si Cristy Fermin ang umano’y pag-eksena ni Mocha Uson nang pangaralan nito si Toni Gonzaga kaugnay ng kontrobersyal na pahayag kamakailan.

“Ito na naman si Aling Mocha. Umeksena na naman. Nagbigay pa ng kanyang opisyal na pahayag na isang malaking sampal para kay Toni Gonzaga,” pagbungad ni Cristy sa kanyang programa sa YouTube, Biyernes.

Ayon pa sa host, kung dati ay Duterte die-hard supporter si Mocha, ngayon ay nag-switch na raw ang Mothers For Change Partylist first nominee. “Alam mo ba kung ano ang DDS niya ngayon? Domagoso die-hard supporter na kay Mayor Isko [Domagoso],” saad ni Cristy.

Sunod na ipinaliwanag ni Cristy ang aniya’y kakapusan ng kaalaman ni Mocha nang sitahin nito si Toni sa pahayag nito ukol sa aniya’y nalalapit na pagbabalik ni Bongbong Marcos Jr. sa tahanan nito sa Malakanyang, sa record-breaking na campaign sortie ng UniTeam sa Cebu.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Alam mo itong si Mocha Uson, siya ang kapos sa kaalaman hindi si Toni Gonzaga. Sino man po ang pinapalad na maging pangulo ng bayan, ang tawag po sa Malakanyang ay official residence of the sitting president and his family, ganun po ‘yun. Ito po ang opisyal na tahanan ng pinalad at ng kanyang pamilya na maupo,” pagdepensa ni Cristy sa aktres.

“Ano tong sinasabi ni Mocha? Mahiya naman si Toni kasi ang Malakanyang daw ay pagmamay-ari ng buong Pilipino, ng buong Pilipinas. Bakit sinabi ba ni Toni sa mga Marcos lang ang Malakanyang?” dagdag na sabi ni Fermin.

Basahin: Tahanan ni BBM ang Malakanyang? Mocha Uson, pinangaralan si Toni Gonzaga – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Matatandaang inalmahan ng netizens ang pahayag na ni Toni na tila ang naging punto ay personal na pagmamay-ari ng mga Marcos ang Palasyo.

Paghirit pa ni Mocha sa aktres, “Para sabihin mo na babalik na sa kanyang tahanan si Marcos ay parang sinabi mo na rin po na diktador ang kanilang pamilya na ginawa lang na tahanan ang Malakanyang noon. Umalis lang saglit at ngayon babalik muli para angkinin ito.”

Nagpasaring naman si Cristy sa manok ni Mocha sa pagkapangulo na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

“Ano ba ang gusto ni Mocha? 'Yung tatawid lang si Isko Moreno mula Maynila na tulay tapos nasa Malakanyang na sila?” anang showbiz insider.

“Dapat alam mo Mocha Uson na personal na gusto ni PRRD [President Rodrigo Duterte] na pauwi-uwi siya ng Davao saka babalik ng Malakanyang. ‘Wag mong sabihin na opisina lamang ang Malakanyang. Official residence,” tila nangangalaiting saad ni Cristy.

Binanatan rin ni Cristy ang naging kontrobersyal na pahayag ni Mocha noon ukol sa lokasyon ng Mayon Volcano na aniya’y nasa Naga sa Camarines Sur sa halip na sa probinsya ng Albay.

“Isang tanong lang bibitawan ka na namin. Nasan ba kasi ang Mayon Volcano?” ani Cristy.

Ayon sa host, siguradong ‘di raw papatulan ni Toni ang pahayag na ito ni Mocha.