BESAO, Mt.Province -- Malakas na buhos ng ulan at madulas na kalsada ang nakikitang sanhi ng pagkahulog ng sasakyan sa 100 metrong lalim ng bangin na ikinamatay ng anim katao at himalang pagkakaligtas ng dalawa sa naganap na freak accident sa Besao Mountain Province noong Huwebes, Abril 21.
Kinilala ang namatay na sinaRhema Sumingwa,18; Merley Docyogen,17, kapwa nakatira sa Catengan, Besao, Mountain Province;Lendel Keith Alfonso,19; Hazel Solang,19; Dalog Kawi Mangallay,19 at Lip-aw Aligan, 21, kapwa residente ng Barangay Patiacan, Quirino, Ilocos Sur.
Ang dalawang sugatan na ngayon ay ginagamot sa Besao District Hospital ay sina Lander Maticyeng,17 at Novelyn Sagantiyoc,18, kapwa residente ng Patiacan, Quirino, Ilocos Sur.
Sa imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon ang Besao Municipal Police Station mula sa concerned citizen na may nahulog na sasakyan sa bangin mula sa kalsada ng Sitio Bunga, Barangay Catengan, Besao, Mountain Province, dakong alas 4:30 ng hapon.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya, Bureau of Fire Protection-Besao, Besao Municipal Health Office, Philippine Army, Barangay Officials at community members of Sitio Bunga at nakita ang kulay gray na Tamaraw FX na may plakang UCZ 739 na totally wrecked.
Ang anim na pasahero ay idineklarang dead on the spot ng suriin Dr. Joy Dicdican, municipal health officers na nagtungo din sa lugar.
Sinabi ni MSg Robinson Calngan ng Besao MPS, nadiskubre lamang ang insidente nang isa sa nakatira di-kalayuan sa lugar na patungo sa kanyang farm ang nakakita sa isang survivor na humihingi ng tulong.
Ang driver at may-ari ng sasakyan na si Mangallay ay isa sa anim na namatay, subalit hindi pa malaman kung saan papunta ang mga biktima, habang hinihintay pa na makapag-bigay ng impormasyon ang dalawang survivors.
Ayon kay Calngan, ang mga labi nina Sumingwa at Docyogen ay dinala na sa kani-kanilang bahay, samantalang ang labi nina Alfonso, Solang, Mangallay at Aligan ay nakatakdang dalhin ngayong araw sa kanilang lugar sa Quirino, Ilocos Sur.