BOGO CITY, Cebu—Nilinaw ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo na hindi niya kailanman sinabi ang tungkol sa posibleng kaguluhan sakaling manalo sa darating na halalan ang kanyang karibal na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Siguro ibabalik ko yung question sa media, narinig nyo na ba ako any point na sinabi ko ‘yun? Kasi ako, never ko ‘yung sinabi, ani Robredo sa mga mamamahayag sa isang ambush interview Huwebes pagkatapos ng kanyang campaign rally sa lungsod na ito, ang pangalawa sa four-leg Cebu campaign.

Ginawa ng bise presidente ang paglilinaw matapos siyang akusahan na nagbabala sa publiko na magkakaroon ng kaguluhan kung magiging presidente si Marcos, na nagbunsod sa presidential bet na si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na atakihin siya.

“Yun ang nakakatakot it shows the character… Ako nakikita ko ha, alam mo gagawin nila ihahanda na damdamin ninyo magagawa sila ng malalaking rally, rally, rally ito na yung rally na para bang sinasabi sa inyo pag hindi nyo kami binoto magkakagulo,” ani Domagoso sa naganap na Easter joint conference noong Linggo.

Basahin: ‘Malalaking rally’ ni Robredo, paghahanda sa maaaring gulo kapag natalo ito — Domagoso – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Sinabi ni Robredo na ayaw na niyang makipag-word war kay Domagoso dahil ang campaign period ay hindi tungkol sa away ng mga kandidato sa pagkapangulo.

Ang panahon ng kampanya, aniya, ay isang laban para sa bansa.

“Yung focus ko hindi madidistract ng mga nangyayari, yung focus ko nasa ano ba ‘yung goal natin,’ aniya.

Joseph Pedrajas