Winakasan ng isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sariling buhay sa pamamagitan nang pagbibigti matapos umanong magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng kanyang nobya sa loob mismo ng PCG Compound sa may Gate 2 Parola, Muelle dela Industria, sa Tondo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw.

Ang biktima ay nakilalang si CG ASN Senen Arquiza Jr., 29, miyembro ng PCG, tubong Zamboanga Sibugay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa imbestigasyon ni PSMS Jayson Ibasco, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong ala-1:15 ng madaling araw nang madiskubre ang pagpapakamatay ng biktima malapit sa hagdanan ng PCG station, ng kanyang kasamahan na si CG ASN James Daryl Acaylar.

Sa salaysay ni Acaylar, nabatid na dakong alas-10:00 ng gabi ng Miyerkules, nang huli niyang makitang buhay ang biktima habang ka-video call ang kasintahan at tila nagkakaroon aniya nang mainitang pagtatalo ang mga ito.

Matapos umanong mag-usap ang dalawa ay tahimik na lamang na umupo sa hagdanan ang biktima.

Makalipas naman ang ilang oras ay nakatanggap ng text message si Acaylar mula sa kasintahan ng biktima, na nakikiusap na puntahan ang nobyo dahil nag-aalala aniya ito na posibleng may gawin itong hindi maganda.

Kaagad namang lumabas sa kanyang silid si Acaylar para hanapin ang biktima at dito niya nadiskubre ang biktima na nakabigti na ang leeg sa beam ng kisame, gamit ang isang nylon cord.

Mabilis na humingi ng tulong si Acaylar sa kanilang mga kasamahan upang maibaba ang biktima sa pagkakabigti at tinangka itong i-revive ng PCG medical staff ngunit patay na ito.